Picture of Joeven C. Calasagsag
Mas Mataas Ang Ani Sa Hybrid Palay Seeds
by Joeven C. Calasagsag - Friday, 18 June 2010, 04:21 PM
 
DEPARTMENT OF AGRICULTURE
Office of the Secretary
Elliptical Rd., Diliman, Quezon City

AGRI-BALITA
Hunyo 17, 2010

Ayon sa namumunong opisyal ng Ginintuang Masaganang Ani (GMA) Rice Program ng Kagawaran ng Pagsasaka, nang nakaraang tag-init na anihan, umani ang mga magsasaka ng mas maraming palay dahil sa binhing hybrid na kanilang ginamit.

Ayon kay Dr. Frisco Malabanan, ang mga magsasaka sa Nueva Ecija ay lubhang nagalak sa tinamong benepisyo na ibinigay sa kanilang paggamit ng hybrid seeds.

Mahigit sa 55,000 ektaryang palayan ang tinamnan ng hybrid rice nang tag-init ng 2010 kung saan umani ang mga magsasaka ng hindi kukulangin sa 7.73 metriko tonelada (MT) sa kada ektarya.

Mas mataas ito kaysa 5.7-toneladang ani gamit ang inbred certified seeds na itinanim sa 93,000 ektarya.

"Ang ani mula sa uring hybrid ay mas mataas di hamak ikumpara sa inbred na ang makukuhang ani ay 4-5 MT lamang sa kada ektarya , " ayon sa ulat ni Malabanan kay kalihim Bernie Fondevilla.

Tumaas ang tinubo na nagkakahalaga ng P30,000 na dati ay P15,000 lamang sa isang ektarya.

"Sa hybrid na palay, naging mas mataas ang ani kahit na hindi nagdagdag ng lawak ng palayan," dagdag ni Malabanan .

Ipinaliwanag ni Malabanan na ang hybrid rice ay nagtataglay ng phenomenon na hybrid vigor upang makamit ang may 15-30% pagtaas kaysa karaniwang uri o in bred varieties."

"Sa nakalipas na tatlong dekada, ang teknolohiyang hybrid ay nakatulong sa China upang makamit nila ang seguridad sa pagkain , ngunit hindi pa ito nakamit sa mga bansang tropiko. "Ang Hybrid rice technology ay makapagpataas sa ani ng palay at maging ng kabuuang produksyon at ng kinikita sa Asia."

Ang uring hybrid na kilala o tumutukoy sa uring F1, ay bunga ng unang henerasyon ng pinagsamang dalawang barayti ng palay ng nagtataglay ng superior na katangian.

Ang dalawang uri ay ipinunla at pinatubo na magkakalapit at ang polinasyon ay isinasagawa sa paraang likas at artipisyal .

Ang mga superior na kalidad o katangian ng itinuturing na magulang ay naipasa sa mga buto o binhi na nagreresulta sa "hybrid vigor" o heterosis. Nagpapatunay na ang hybrid rice variety na ngayon ay napapakinabangan ng mga magsasaka ay hindi genetically modified organism o GMO.

Ang hybrid (F1) ay may mga uhay na may maraming butil kaysa sa mga karamihan sa karaniwan o inbred rice varieties na ang resulta ay mas mataas na ani kahit ang paraan ng pagtatanim ay pareho din lang sa mga inbred.

Ang kaibahan ng hybrid sa inbred ay hindi na ulit magamit ang binhi dahil nawawala ang "hybrid vigor" nito at kapag inuulit ang paggamit bilang binhi, hindi na pantay ang tayo ng mga tanim at paggulang na maging sanhi ng pagbaba ng ani.

Ang pagkakaiba ng hybrid sa inbred, ay ang dagdag atensyon sa pamamahala ng binhi at ng punla.

Mula 2001, hinihikayat na ang pagtanim ng mga barayti na mataas mag-ani tulad ng hybrid seeds, na makapagbibigay ng ani hanggang 12 MT sa kada ektarya.

"Iniisip dati ng mga magsasaka na ang Hybrid rice ay hindi tatangkilikin na teknolohiya dahil isa itong uri ng
technology na namimili ng panahon at tiyak na lugar na pagtataniman at kailangan pa ang malawakang kampanya para dito. Noong mga unang taon ng programa, limitado ang bilang ng mga barayti ng hybrid rice na maaring pagpipilian ng ating mga magsasaka, ngunit ngayon marami nang mga pribadong kompanya na nagsasagawa
ng mga pananaliksik at pagpapaunlad (R&D) ukol dito ,at dumami rin ang mga nagnenegosyo ng binhi . Marami nang mga barayti na mapagpipilian ng ating mga magsasaka na aangkop sa kanilang
pangangailangan," paliwanag ni Malabanan. # # # (DA-AFIS)
Online: 0 Messages: 0
You are not logged in. (Login)