By DA-RFU IV April 21,2010
Climate Change, tinalakay sa Regional Farm Family Forum
Sinimulan kahapon ang dalawang (2) araw na programa para sa “Regional Farm Family Forum for Region IV-A,” Abril 13-14, 2010 sa Monte Vista Hotspring and Conference Resort sa bayan ng Calamba, Laguna. Ito ay matagumpay na dinaluhan ng may pitumpo’t limang (75) opisyal at miyemro ng Rural Improvement Club (RIC) , Pambansang Manalon, Mag-uuma, Magbabaul, Magsasaka ng Pilipinas (P4MP) at 4H Club na nagmula sa limang (5) probinsya ng CALABARZON .
Ang naturang programa na may temang “Youth Empowerment on Climate Change Adaptation: A Time for Action” ay may layuning (1) mapaibayo ang kapabilidad ng mga opisyal at miyembro ng Rural Based Organization (RAOs) sa pagtuklas at pagbuo ng mga livelihood projects; (2)maibahagi ang kaalaman sa mga posibleng epekto ng “climate change” sa agrikultura at gayundin ay; (3) mataguyod ang pagkakaibiganan sa pagitan ng mga partisipante. Ito ay programa sa ilalim ng Agricultural Training Institute (ATI) IV-A na nakabase sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), Calamba, Laguna.
Nagsimula ang programa sa ganap na ikasampu ng umaga kung saan pinakilala ni Ms. Veronica V. Esguerra, Technical Service Head ng ATI, ang mga panauhin, staff, at partisipante. Nagbigay naman ng pampasiglang mensahe ang Department of Agriculture Assistant Secretary at Regional Executive Director ng rehiyon na si Asec. Dennis B. Araullo.
Sa panimula ay binati ni Asec. Araullo ang mga nag-organisa ng nasabing programa at lahat ng nagsidalo. Nabanggit niya na ang Pilipinas ay isa sa mga bansang unang nakararanas ng epekto ng “Climate Change” o pagbabago ng klima katulad na lamang ng pananalanta ng “Bagyong Ondoy” noong Setyembre ng nakaraang taon at ang pananalanta ngayon ng El Niño na nagsimula ilang buwan lang matapos ang nasabing bagyo. “Hindi mapipigilan ang pagdating ng ganitong mga klima kung kaya dapat ay atin itong paghandaan,” aniya.
Ayon pa sa kanyang mensahe, kabilang sa paghahanda ay ang pagtatanim ng mga pananim na naaangkop sa kasalukuyang klima. Kinakailangan ng pagsasaliksik ng mga kapalit na mga pananim sa pabago-bagong panahon upang hindi mawalan o bumaba ang kita ng mga magsasaka.
Binigyang diin ni Asec. Araullo ang kahalagahan ng palaging pagiging handa sa anumang darating na kalamidad lalo na ngayon na may “Global Climate Change” na nangyayari sa malaking bahagi ng mundo. Tiniyak din ni Asec. Araullo na di titigil ang ahensiya sa pagtulong at pagbibigay ng mga kinakailangang suporta sa mga magsasaka para sa paghahanda sa “climate change” katulad na lamang ng naumpisahan ng pagbibigay ng mga Shallow Tube Wells (STWs) at certified seeds sa ilang probinsya at pamamahagi din ng dryers sa panahon ng tag-ulan.
Nagbigay din ng mensahe ang director ng ATI na si G. Asterio P. Saliot, at ang mga provincial agriculturists ng rehiyon. Nagkaroon din ng pagsasanay at paligsahan ang mga partisipante tungkol sa Poster-making, pagluluto at Quiz Bee. Ang kanilang mga tagapagsanay ay mga tauhan ng ATI IV-A at DA RFU IV-A sa pangunguna ni Ms. Rosalinda Alonsozana .
Source:http://www.da.gov.ph/newindex2.php?pass=News_events/2010/apr/apr21_2010b.html |